Sa panahon ba ng pagkabata, makakalusot ba tayo kung planuhin nating magpakasasa sa mga masarap sa buhay, tapos babawi na lang tayo sa dulo, at doon na lang bibigyang pagpapahalaga at kaukulang atensyon yaong mga bagay na tunay naman talagang mahalaga, halimbawa, pakikisama sa mga kaibigan, pamilya, kaalamang intelektwal, espiritwal, at iba pa? Puwede ba yun?Walang sandaling hindi magpapasapol sa tao ang katotohanan ng kaniyang pagiging limitado, marupok at di-ganap. At dahil sa kalikasang ito ng tao, naglalayon siyang makamit ang kaniyang kaganapan, at lahat ng kaniyang ginagawa at pinagkaka-abalahan ay kaniyang iginigiya, ikinikiling, sa pagdadagdag sa kaniyang kahalagahan, pagpapatindi, at pagpapalapit sa kaganapang ito.Malinaw mula sa desisyon, na ang intensiyon lamang ng ay makinabang sa hatid na “pagbubuo” ng gagawin niya sa dulo matapos niyang “mapagsawaan” ang ligayang dulot ng nakalulugod sa kaniya. Pambawi baga, dahil may kaalaman siyang may mga masaya nga pero di naman talagang nakabubuti sa kaniya bilang tao, gaya halimbawa ng labis na pag-inom ng alak o di-kaya’y paninigarilyo. Gumawa siya ng isang kompromiso: “mulat” siyang mayroong mga bagay na may tunay na halaga, yaong mahalaga sa kanilang sarili, ngunit ayaw rin naman niyang ilayo ang sarili sa bagay na makatutustos sa kaniyang pagkahayok, kumbaga, sa bagay na masarap, ngunit di-tiyak kung nakabubuti nga ba o hindi sa kaniyang pagkatao, at itatago niya marahil sa kaisipan ng ito-ang-likas-at-normal-sa-akin-dahil-ako’y-bata-pa.Mula sa pagkabulag sa Halaga, namulat siya sanhi ng pagpapatalab nito sa kaniya sa kaniyang pag-iral. Gayunpaman, mas pinili niya ang pumikit muli sapagkat mas masarap ang matulog muna at mahimbing, sapagkat sa kaniyang pagtanda, maaari pa siyang gumising upang ituloy ang naudlot na pagka-“mulat” sa Halaga, maging ang pagtugon nang naaayon sa ratio nito. Iyon ang akala niya! Sa pagpili niyang sadyang pagsasawalang-bahala sa Halaga para sa Nakalulugod, hindi na lamang papasok sa klase sapagkat “masama para sa kalusugan ang makulangan sa tulog” kunwari, maliwanag na nangingibabaw ang pagpapahalaga niya sa Masarap kaysa anumang dapat na gawin: ang pumasok sa klase at matuto. Imposibleng makarating sa estado ng anamnesis sa tungkuling tumugon sa Halaga kung ang mismong amnesia ay intensiyonal, inisip nang may pagkamulat.Sa panahong ibabaling na niya ang kaniyang buhay sa Halaga kunwa, sapagkat naging alipin na siya ng kaniyang pagpapalalo at kasakiman, magagawa niyang ikubli ang mga gawaing nakatuon sa Nakalulugod at gawing dahilan, i-cloak sa kahalagahan ng Tunay na Nakabubuti, at iisipin niyang maaari naman itong klase ng pagpapahalaga niya dahil pumurol ang diwa ng supremacy ng Halaga sa karupukan ng ating mismong pagiging tao. Mas pipiliin niya halimbawa ang dumalo sa kaarawan ng kaibigan dahil may halaga ang pakikipag-kaisa sa kanila, ang pakikisama, kahit pa ba kinailangan pa niyang magsinungaling sa mga magulang para lamang makadalo. Marahil ay inisip pa niyang “Para sa ‘Halaga’ naman e. Kailangan ng sakripisyong ito.” Nababaluktot maging ang persepsyon ng tama at mali. Kaya mas lalong higit na importante ang pagkakaroon ng tamang pananaw sa simula pa lamang sapagkat ito ang magdidikta kung ang anumang “makikitang Halaga” ay tunay ngang may Halagang ipinapataw-sa-sarili-nito o naging mahalaga lamang gawa ng sinabi-ng-sarili-kong-pagtugon-sa-tawag-ng-”laman”. Huwad ang pagpapahalagang bumabalik sa sarili dala ng pagkabulag sa Nakalulugod o ng kanyang sadyang pagbulag sa sarili o di-kaya’y kusang pagbubulag-bulagan. Kahit pa sabihin na may posibilidad pa rin namang sa pagsunod sa Nakalulugod ay makarating sa isang bagay na Tunay na Nakabubuti, ito ay aksidente lamang, at ang gawain ay wala naman talagang halagang moral, ayon sa turo ni von Hildebrand. Dagdag pa rito, hindi sapat na alam ng estudyante na may halaga ang Kalusugan maging ang Karunungang hatid ng pagdalo sa klase, sapagkat ang pagiging mulat ay hindi tiyak na tumutuloy sa paggawa ng tama at dapat: maaari pa ring mas piliin ang hindi pumasok, hindi dahil talaga sa “nakasasama sa kalusugan ang kakulangan sa tulog” kundi dahil sa ito-ang-masarap, ito-ang-gusto-ko, dahil mas nangingibabaw nga ang tawag ng pagpapalalo at kasakiman sa kaniya kaysa Halaga.Lalong tumitingkad ang pagkaugat ng kunwa’y pagkiling na ito sa Halaga sa Nakalulugod pa rin, sa katutugon sa wili ng aking katawan, sa aking panlasa ayon sa sinasabi ng aking pagpapalalo; walang pagpapalawig at pag-aangat ng espiritu, na-bonsai ang aking pagmemeron sa kung ano lang ang masarap. Maaari, gayunpaman, na sabihing likas sa tao ang hanapin yaong Ligaya. Ngunit hindi ibig sabihing nilalabanan ang pagiging tao sa pagtalikod sa ligayang hatid ng Nakalulugod. Bagkus, pinangingibabawan natin ito, inaagpasan, dahil may pagkilala sa isang mas nakatataas na halagang hindi tayo ang nagpataw, na ayon sa turo ni Hildebrand ay humihingi ng isang sakripisyo ng pagtalikod sa Nakalulugod alang-alang sa espiritwal na kabuuan. Sa pagkilala sa halaga ng Kaalaman, tungkulin ng estudyanteng dumalo sa klase kahit kulang siya sa tulog, dahil mas higit ang halaga ng nauna kaysa rito.Ito ang ikinaiba niya sa mga tuluyan na ngang nabulag ng Nakalulugod maging sa mga taong hindi pa man nabulag ay kusang binulag ang sarili, nagbulag-bulagan kung mamarapatin, at iwinaksi ang pagtingin mula sa Halaga sa ngalan ng ilehitimong Nakalulugod: na pinili niyang kilalanin na may Halagang dapat niyang kilalanin at tugunan mula nang mamalas niya ito, Halagang tumuturo sa pinaka-ubod ng Halaga—ang Diyos—na higit na higit sa kaniyang marupok na pagmemeron bilang tao.
Leave a Reply